Sabado, Setyembre 6, 2014

ANG AKING HAKBANG PATUNGO SA RUROK NG TAGUMPAY

 


ANG AKING HAKBANG PATUNGO SA RUROK NG TAGUMPAY

Isang umaga, pagsikat ng haring araw mula sa silangan, nagbabadya na naman ang bagong araw na naghahatid ng bagong pag-asa. Habang ako’y nakaupo sa tabi ng dalampasigan, natatanaw ang malawak na karagatan, ang bawat hampas ng alon, at ramdam ko ang banayad na simoy hangin. Sa mga natatanaw ko sa aking paligid, nangungusap ang aking mata, na wari’y may nais ipahiwatig. Nakatulala habang nakatingin sa malayo, naisip ko na ang aking mga pangarap ay katulad ng isang malawak at malalim na karagatan na aking pingmamasdan kaalinsabay ng pagsikat ng liwanag mula sa silangan.


Isang pahiwatig ang lubos kung napagtanto, ang mga pangarap ko na napakarami at imposibleng mangyari ay mayroong pag-asa. Mayroong katuparan kapag ako’y nagsikap ng may katatagan sa pananalig sa Panginoon. Sa mga sandaling iyon, ako’y nakapag-isip at nakapag desisyon.Kaya’t agad kong nilisan ang dalampasiganat patakbong umuwi sa aming tahanan.
            Sinabi ko sa aking magulang na sang-ayon na ako sa nais nila na ako ay pag-aralin sa lalawigan ng Batangas. Bagamat malayo sa aking kinagisnang nayon,  iba man ang kultura at salita datapwat handa akong yakapin ang mga at makisabay sa mga taong nasa paligid ko ng hindi nalilimutan ang baying sadya kong pinagsimulan.
            Ang paglayo sa aking pamilya, at lisanin ang aking bayan ay isang desisyong hindi ko pagsisisihan. Mahirap man at masakit subalit kailangan kong magsakripisyo upang simulan ang mga hakbang tungo sa pagtupad ng aking mga pangarap. Oo nga’t mahirap lalo na sa simulasubalit ito’y mga balakid lamang na kailangan kong malampasan. Sinusubok lamang ang aking katatagan kaya’t ako’y hindi natitinag sa mga palasong nais akong patamaan ng sibat. Bagkus nagsisilbi itong hamon upang lalo akong magsakripisyo at magsikap sa pag-aaral.
           
Bilang isang panganay na anak, batid ko ang hirap na dinaranas ng aking mga magulang. Ang pagtatrabaho ng aking ama sa labas ng bansa upang matustusan an gaming mga pangangailangan at ang aking pag-aaral. Kahit alam kong nahihirapan na siya sa pagtratrabaho, tinitiis nya ang napakainit na temperature, kahit na unti-unting nalalagas ang buhok sa ulo dahil sa mga kemikal, at ang pangungulila sa amin ay patuloy parin sa pagtatrabaho. Ang aking ina na walang humpay at walang kapaguran sa paggabay sa amin. Tunay na hindi matatawaran ang mga sakripisyo ng mga magulang sa mga anak.
            Kahit ako ay malayo sa aking mga magulang, nagsisikap ako at hindi sinasayang ang mga sakripisyong ginagawa nila upang matustusan ang aking pag-aaral. Kung kaya naman sinisikap kong maipasa ang lahat ng mga asignatura  at ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya upang maitaas ang aking mga marka.
            Ikalawang taon na ako ngayon sa kolehiyo, patuloy parin sa pagtahak sa landas ng aking mga pangarap. Patuloy pa rin sa pakikibaka sa hamon ng buhay at nanatili paring nakatayo sa kabila ng mga dagok na nararanasan. Patuloy parin sa pagsisikap na matupad ang pinili kong bokasyon. Ang maging isang guro pagdating ng panahon. Hindi ko ito ikinahihiya bagkus akin itong ipinagmamalaki. Marami man ang hindi sang-ayon sa pinili kong kurso. Subalit hindi parin ako sumusuko. Lagi ko na lamang iniisip na pagdating ng panahon, makikita din nila ang pagiging isang guro ay tunay na ipagmamalaki dahil sa likas na pagsasakripisyo nito sa mga estudyante upang maging matagumpay sa hinaharap.
 Hindi ako natatakot harapin ang mga pagsubok sa aking buhay-pag-aaral sapagkat matapos ko itong mapaglampasan, maraming aral ang aking nakukuha . Palaging may ngiti sa aking mga labi, pagkat marami akong rason para ngumiti kahit na nahihirapan na. Patuloy lang ako sa aking mga pangarap na puno ng pag-asang ito ay magkakaroon ng katuparan. Sa patuloy kong magsabay sa agos ng buhay, patuloy kong tatahakin ang mga hakbang patungko sa rurok ng aking tagumpay.